Solo

Hindi isang simpleng responsibilidad ang maging isang single mother. Lalo na’t sa kailaliman ng pagkatao niya’y alam niyang siya ay isang traditional na ina.

“My heart is broken, but I am alive and he did that. And when you are alive, you feel pain. Those are the rules.”

(Jess Gradwell, from the TV series, Sex & Single Mom)

 Masyadong mahaba ang gabi. Maalinsangan. Tahimik. Isang paalala sa kaniyang pag-iisa ang kahungkagan ng gabi. Ang pag-iisang ito sa loob ng maliit na silid ay isang nakakalungkot na sensasyong bumabalot sa kanyang katauhan. Maaring ito’y isang kalungkutan sa tuwing darating ang gabi at mapapalingon siya sa bakanteng papag sa tabi niya. Minsan lamang sa isang linggo, ang kahoy na papag na iyan ay malayang kumakanlong sa kanyang munting anghel sa tuwing siya’y umuuwi pag OFF niya.

“I walk alone on this lonely path, wishing somebody would join me…yet, also, wishing there would be nobody around…”

Ngayon, ang daming naglalaro sa isip niya–ang kanyang kahapon, ang kanyang kasalukuyan at ang kanyang kinabukasan. Isa siyang single mother. Solo parent sa iilan. Disgrasyada kung patalikod na tawagin ng marami. Miinsan siya’y nagpakapal ng mukha para malampasan ang lahat ng panlilibak ng ibang tao at marahil, ang mga pagtatanong kahit mismo ng kanyang sariling pamilya.

Sa loob-loob niya, siya’y napaglaruan ng sinasabi nilang “pag-ibig”. Na-in love nga siya at halos ibigay ang lahat sa lalaking naging ama ng kaniyang anak. Pati’y sarili’y ipinagkatiwala niya sa tadhana; sa paniniwalang karapat-dapat ang lalaking iyon. Naniwalang nakatakda silang magkasama lagi bilang isang pamilya.

“Never presume that I could possibly encounter such time, such powerful, profound force that lately I just can’t evade; it draws on a different meaning to everything that stirs around…”

Ngunit kahit na-in-love pala siya’y, hindi rin siya makakatagal na maghintay sa isang pangakong sa umpisa pa lamang ay malabo na. Isang klasikong drug dependent ang ama ng kaniyang mga anak. Isang lalaking pinabulok ng droga ang mga ambisyon. Na-in-love siya dito at pilit pa ring pinapaniwala ang kaniyang sarili na malalampasan nila ang lahat.

Ngunit, naging mahaba ang mga gabi.

Madalas, siya’y isang pigura sa tapat ng pulang gate. Nag-aabang, nagbibilang, hindi lamang ng mga sasakyang manaka-nakang dumaraan sa kanyang harapan, kundi nagbibilang pati ng mga bituing inaasahan niyang kikislap rin sa langit niya pagkatapos ng mga gabing iyon.

“The night is mine…holding me…shielding me…hiding me…”

Ah, isa lamang iyon sa kaniyang pagkakamali noon. Kaya nang halos maramdaman na niyang isa-isa nang nawawala ang mga pinahahalagahan niya sa sarili–lalo na ang natitirang respeto–nagmamadali siyang nagbalot ng kanyang mga gamit at nilisan ang lalaking dati-rati’y kanyang sinamba.

“To rash barefooted, with the wind, bothering not of any hefty load or thought…”

Hindi isang simpleng responsibilidad ang maging isang single mother. Lalo na’t sa kailaliman ng pagkatao niya’y alam niyang siya ay isang traditional na ina. Kung maari nga lamang, mananatili na lamang siya sa tabi ng kanyang anak sa lahat ng oras–pero,imposible pang mangyari ito sa kasalukuyang set-up nila ngayon. May trabaho rin siyang dapat na unahin para sa kanilang kabuhayan.

Anyway, ilang taon na nga bang dinadala niya ang titulong ito? Isa? Dalawa? Apat na taon? Matagal na rin at kasabay halos ng pagsuko niyang harapin ang sunod-sunod na pagsubok, naiisip pa rin niyang isang araw, malalampasan rin niya ang lahat.

Mas’werte siya at may isang anghel ang ibinigay sa kanya na sa tuwina’y may handang sorpresa para sa ikakasiya niya. Oo, ngiti man o halakhak ng kanyang munti ay bonus na para mabuo ang isang araw niya.

“Each new morning rises up with your laughters fading in my mind…each new day reminds me of your unpretentious smiles, easing up life’s loneliness.”

Hindi nga naging madali ang maging isang single mom. Minsan naitatanong niya sa sarili kung choice ba niya ito o ito ay ang kanyang tadhana. Gugustuhin ba niyang maging isang single mother uli kung sakaling siya ang papipiliin ng kanyang buhay?

Alam niyang sa umpisa pa lamang, sa oras pa lamang ng pag-lalabor niya sa kanyang panganay, isang isolated na role na ang kaniyang gagampanan at pipiliting malampasang mag-isa. Pagkatapos noon, hindi niya akalaing darating din pala siya sa punto ng realisasyon.

Pilit niyang pinagtakpan ang bawat maling nangyari sa kaniya sa nakaraan. Iyon pala, pahiwatig lamang iyon ng sariling agam-agam niya sa nagawang desisyon ilang taon na ang nakaraan. Ilang beses niya ring inaalis sa isip na may kurot ng pagsisisi ang kanyang tuluyang pag-alis noon sa bahay ng ama ng kanyang anak.

“Only where this freezing pain can be eased, can be forgotten…again, drop a dime and wish that this infernal being would never be hurt again…”

Ngayo’y halos nakalimutan na niya ang kakatwang lamig ng dampi ng hangin sa tuwing siya ay inaabot ng madaling-araw sa pagtayo sa me pulang gate at nag-aantay sa pag-uwi ng lalaking iyon.

Ngayon halos kaya na niyang magtimpi at hindi lumuha sa tuwing pumapailanlang ang farewell notes ng isang kanta ni Lani Hall.

Ngayon, alam niyang tuluyan nang lumamig ang galit that almost explode her wits then. Ni hindi na niya makapa ang anumang bloke nito sa kaloob-looban ng kanyang kamalayan.

“This bruised heart’s little door just closed…shunning, evading, another love, another loss and maybe its death…”

Ngayon, nagawa na niyang lumimot at magpatawad. Nagawa na nga niyang malampasan ang paglimot sa isa lamang lalaki sa buhay niya. Ngunit, hindi niya inakalang ito at ang tuluyang pagtalikod na iyon ay magiging isang pagbubukas naman para sa mas maraming paghamon.

Mas madaming patibong na kaydaling aakit sa kanya kung gugustuhin lamang niya. Ngunit, may mga gabing napapabuntong-hininga pa rin siya at naiisip kung paano naman kaya sa bawat pagdadalawang-isip, sa bawat kalungkutan na naramdaman niya ay may bagong bisig na kakanlong sa kanya?

Noon, dumating siya minsan sa pagkakumahog para i-kunsidera halos lahat ng mga nakilala at umakyat ng ligaw sa kanya. Dumating na kasi siya sa puntong akala niya ay sawa o takot na siya sa pag-iisa. Na halos pinanabikan na niya ang mayakap at lambingin muli, tulad lamang ng ibang ordinaryong babae. Na kahit man lamang sa loob ng isang saglit, hindi niya kailangang magkunwari, that she’s unafraid to admit that after all, umiiyak pa rin siya.

“In different seasons, in distant zones, in every phases, in the least unexpected affairs, Life acquainted me to these sons of Adam.”

Ngunit, sadyang mali lamang talaga ang mga lalaking naka-relasyon niya noon. Mali–dahil iisa lamang ang kanilang hangarin –to have an affair with her– walang commitment, walang pagmamahal. Isang affair na madalas nag-uumpisa at natatapos rin mismo sa kanyang kama. Animo’y ang kanyang pagiging single mom ay isang hamon na dapat mapenetrate ng bawat human male specie. Ngunit, sabi niya uli, “malalampasan ko rin ito.”

Pakiramdam niya, bawat minuto ay isang pagsubok kung hanggang kailan niya panghahawakan ang determinasyon at huwag magpapatalo sa mga paghamon. Marami na rin ang nag-akalang mabibitag siya ng tuluyan sa kanilang front. Isang kakatawanan talaga, kasi pag napaniwala na siya sa panibagong pangako, saka siya maiiwan sa ere.

Pagkatapos ng isa, ilan pa silang kumatok upang muli siyang paniwalain, muling payakapin sa isang maling idelohiyang “kailangan ng mga babae ang mga lalaki.” Upang muling ipaalala sa kanya ang realisasyong matagal na niyang tinatanggihang tanggapin.

Minsan, dumating na ang bagong pagkakataon–ang special moment at ang special na tao na hinihintay niya. Saka lamang niya napagtanto na pagkatapos ng lahat, naging at home na pala siya sa pag-iisa at ramdam niya ang kakatwang takot na iwanan ang pamilyar na ambience nito –at marahil, pati ang independence na matagal-tagal na ring nagbibigay ng seguridad sa kanya.

At dahil sa tagal na rin na, mas pinili niyang isarado ang pag-ibig sa sistema niya. Bigla na lamang niyang naisip na hindi niya maipagkaiba ang simpleng infatuation from the deeper thing called “love”. Bigla, hindi niya mapagdesisyunan kung saan i-lulugar ang terminong “pag-ibig” sa kuwadradong buhay niya.

Na para bang ang anumang mga bagay na na-plano niyang mag-isa ay mawawalan ng kahulugan kung sakaling papayagan niyang pumasok muli sa kanyang tunay na mundo ang pag-ibig. Gayunpaman, pagkalipas ng mga taon, ang bawat oras ay ipinagpapasalamat na lamang niya. Nakalampas na nga siya.

 “Finally conquered the torrent of yesterday…beyond the shadows of pains, a woman of depth…a woman of courage finally, beautifully enfolds…”

Tama, ang mga taon ay naging lubhang mahalagang aral para sa kanya. Ang mga pagkatalo ay nagmarka na sa kanya.

Gayunpama’y alam niya na ang mga pagsubok at problema ay hindi pa tuluyang matatapos. Marami pa rin ang mga gabing magdadaan nang siya’y nag-iisa pa rin. Marahil, wala na ang dating kahungkagan. Maaring sa pagdaan ng mga taon ay nasanay na siya.

Marahil, maaring marami pa rin ang mga lalaking darating para siya’y umasa muli.

Ngunit, naniniwala siyang dadaanan na lamang niya ang mga ito. At lalampasan.

At muli, siya ay magpapatuloy pa rin.

“She faced the hardest times you could imagine. And many times her eyes fought back the tears. And when her youthful world was about to fall in; each time her slender shoulders wore the weight of all her fears and a sorrow no one hears. Still rings in midnight silence in her ears.”

(Excerpt from the song Wildflower)

 


 

© 2009 M.C. Padilla

woman-2028086_960_720
Image by Efes on Pixabay

 

Isang Pagmumukmok

Gray ang pa rin ang langit. Tila nagbabadya muli ng malakas na ulan, ngunit kung gaano naman katagal na ako’y nag hintay sa pagbagsak nito, ay ganuon naman kadali itong bubuhos, na halos hindi ko pa maramdaman ang lamig nito.

Ngayon ay last day rin namin sa internship sa NCMH o National Center for Mental Health o ‘ika nga, Mental Hospital para sa aming practicum. Hindi man lang kami nakapag picture taking sa harap nila Sisa at ng kanyang mga anak. Souvenir sana kasi–kung paanong hindi lamang ang utak ko ang halos maburyong sa iilang araw na pamamalagi sa kanilang mundo, kundi ang mismong pagiging isang tao ko na rin.

Hindi biro ang maisalang ng totohanan sa harap nilang iniwanan ng katinuan ang pag-iisip. At duon nga, naisip ko kung sino nga ba ang mas ma swerte? Nakakalungkot ang mga una hanggang huling pakikisalamuha namin sa kanila. Sayang, kasi nalaman ko na may mga sariling pangarap rin sana sila na gustong maabot.

Ngunit, sa isang banda, naiisip ko rin na mabuti pa sila. Hindi na nga nila kailangang magtago sa katagang “complicated” sa Facebook at maaring hindi na rin sila ma he heart broken pa. Hindi na rin nila kailangang magpaka plastic o magtago ng kanilang nararamdaman. They can say whatever they want and they can do whatever they like to do.

Sa sandaling oras na kaulayaw namin sila, iisipin mo kung paanong nangyayari yung mga pagbabago– dahil lamang sa mga pangyayari na sobrang mabigat dalhin at isipin para sa kanila.

Hindi ba maiisip mo na kahit ang tawag natin sa pagkabaliw ay isang sakit, ay sadyang napaka galing ng ating Diyos? paanong ang isang sakit sa utak ay magkaruon ng ganuong epekto sa isang tao? at nangyayari yun kasi kailangan lamang na automatikong protektahan ang isang tao ang kanyang sarili laban sa alaala ng mga masasakit na pangyayari sa kanyang buhay?

Buti pa nga siguro ang baliw, hindi na nga ma-heheart broken. May sarili na kasi siyang defense mechanisms. Alam niya kung sino ang dapat bigyan ng tiwala o hindi. Marahil, alam niya rin kung paanong madaling isarado ang isip sa ayaw na niyang isipin pa.

Gabi na naman. Gray pa rin ang langit. OK lang naman kung umulan. Sana nga umulan. Mas masarap sanang mag sound trip mamaya. Oo na, tamang senti nga eh. Sino ba ang heart broken na hindi nasisiyahan sa kahit anong kanta ng “letting go”? Kung pwede ngang mabura ng bawat nota ng mga kanta ang nasa bawat hibla ng kahungkagan na andito pa eh.

Pero buti na lang, nananatiling nasa realidad umiikot ang mundo ko. Kahit na tamang pasaway na ang mga bata sa tabi ko, at mapagal man ako sa kakasaway sa ingay ng pagbabangayan nilang dalawa, ok na rin lang talaga. Kahit na maging heart broken uli. Kahit paano, alam kong malaya pa rin akong mangarap para sa aking mga anak.

 


 

© M. C. Padilla

cloudy-2706978_960_720arcaion
Image by Arcaion on Pixabay